"Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo." I Tim. 6:12

May 7, 2013

Kung may kapatid na nasumpungan sa pagsuway

Ano bang dapat gawin sa kapatid na nasumpungan sa pagsuway? nasa maling pamumuhay? nasa masasamang gawa?

Dapat ba silang kamuhian? Dapat i-discriminate? 

Hindi na dapat itinuturing na kapatid? Hindi na dapat binabati o kinakausap?

Isa sa mga katuruan sa Iglesia ni Cristo ang tungkol sa pag-iibigang magkakapatid, dapat hindi nagkakapootan, dapat nagtutulungan, at nagdadamayan. Pero paano kung nakita sa pagsuway o sa paggawa ng kasalanan ang isang kapatid? Ano ang dapat gawin?

Ang sabi ni Apostol Pablo:

"Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso."  Gal. 6:1

Dapat daw natin silang papanumbalikin o himukin na talikuran ang mga masasamang gawang gayon.

Ano pa ang sinabi ni Apostol Pablo?

"Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan,At sila'y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban." II Tim. 2:25-26

Dapat pala natin silang SAWAYIN. 

Sa paanong paraan? Pagsigaw? Pamamahiya? Paninisod? Pagdudul dulan sa kaniyang napakasama niya?

Hindi. Ang sabi, sawaying MAY KAAMUAN. Bakit daw? Baka kasi sakaling silay pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan o sa madaling salita, baka sakaling silay matauhan. Sila daw kasi ay nasa silo ng Diyablo. Kung gagawin natin ang pagsaway na may kaamuan, maaari silang makawala dito.

Ito naman ang sabi ni Apostol Santiago:

"Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, ito ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa wastong pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nakakapawi ng maraming kasalanan." San. 5:19-20

Kung mapapabalik pala natin ang isang kapatid tungo sa wastong pamumuhay, NAILILIGTAS pala natin ang isang kaluluwa sa kamatayan at napapawi ang kaniyang mga kasalanan...

Pero tulad ng tanong sa itaas, dapat ba natin silang kamuhian o ituring kaaway?

Ang sagot ni Apostol Pablo:

"Ngunit huwag naman ninyo siyang ituturing na kaaway; sa halip, pangaralan ninyo siya bilang kapatid." II Tess. 3:15

Huwag daw natin silang ituring nakaaway, ang dapat nating gawin ay pangaralan siya bilang kapatid. Kung ituturing kasi natin silang kaaway eh hindi natin sila maaakay at mapapanumbalik sa mga pagsunod sa utos ng Diyos at sa wastong pamumuhay.


Ang mahihinang kapatid

Hinding hindi mawawala ang mahihinang kapatid, hindi literal na mahihina na walang lakas kundi mahina ang pananampalataya, eto rin yung mga taong matitisurin, konting ganito ganyan hindi na sasamba. Porke napuna lang siya ng isang kapatid pati pagsamba eh dinadamay na, para bang napakaimportante niya na kapag hindi na siya sasamba eh napakalaking kawalan niya sa Iglesia.

Naibahagi ko lang yan dahil marami pong ganyan. Lagi nating tatandaan na ang DIYOS ang sinasamba at pinaglilingkuran natin, hindi mga ministro o mga "Manalo", kaya walang dahilan para magbanta tayo na "ganun ba... O sige hindi na ko sasamba!". Tayo ang lalapit sa Diyos, hindi tayo ang lalapitan ng Diyos.

Kaya sa iba diyan na may kagalit pa ring kapatid o may nakakatisod sa kaniya para ipagpatuloy ang mga pagsamba, aba, mag isip isip po tayo. Wala naman sa mga ministro o sa mga "Manalo" (ayon sa sinasabi ng mga hindi kaanib) ang kaligtasan natin, NASA MGA KAMAY NATIN YON.

"Huwag ninyong akalaing madadaya ninyo ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin." Gal. 6:7

Kung anong inihasik o itinanim natin, yun din ang aanihin natin. Kung gumagawa tayo ng mabuti, sumusunod sa aral ng Diyos, patuloy ang kaniyang mga pagsamba sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok, problema at katitisuran, PAGPAPALA ang kaniyang makakamtan. Pero kung susuko agad siya, ano sa tingin nyo ang AANIHIN NIYA?

Balik tayo sa mahihinang kapatid, ano rin ba ang dapat gawin sa kanila?

"Tayong malalakas sa pananampalataya, tulungan natin ang mga mahihina sa pananampalataya. Huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating iisipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa ikalalakas ng kanyang pananampalataya. Sapagkat maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, "Ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan." Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa. Roma 15:1-4

Ang sabi, tulungan daw natin ang mga mahihina sa pananampalataya. Dahil tulad ng mga nasumpungan sa pagsuway, sila lamang eh mga naliligaw ng landas. Ang dapat sa mahihina ay pasiglahin at kalingain ng may pagtityaga:

"Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Pagtiyagaan ninyo silang lahat." I Tess. 5:14










Ang kapatid na dapat itakwil o alisin o itiwalag

Sinu-sino bang mga kapatid ang dapat itakwil o alisin o itiwalag?

"Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay itakuwil mo; Yamang nalalaman mo na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya'y hinahatulan ng kaniyang sarili." Tito 3:10-11

Ang kapatid na may maling pananampalataya, kung hindi magbabago, pagkatapos ng ilang pagsaway sa kaniya, ang sabi "ITAKWIL MO". Ang masasamang taong hindi nagbabago ang inaalis o itinitiwalag sa Iglesia:

"Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao." I Cor. 5:15



Reference:
Pasugo February 2008 Issue

3 comments:

  1. Tamang-tama ka po jan kapatid.. Salamat po sa info na eto dahil dagdag kaalaman para sa mas malinaw na paliwanag.. God Bless kapatid and more power to your blog.. ^_^

    ReplyDelete
  2. Dapat sa mga humihiwalay,dapat akayin sa tamang daan,huwag kamuhian at laitin.

    Lalo na sa Social Media.

    ReplyDelete
  3. Tama lahat, ayon sa doktrina, ang mga nakasulat. Pero sabihin din natin sana na masama rin ang makatisod ng kapatid. Ayon sa doktrina, masama rin ang makatisod gaya ng natitisod. Ang mga nakasulat diyan ay mga nasa pag-suway, mahihina, at ayaw magbago. Sana nakasulat din diyan na masama rin ang makatisod.

    ReplyDelete

RULES ARE STRICTLY BEING IMPLEMENTED.
COMMENTS THAT VIOLATE RULES ARE DELETED.

1. Comments should be related to the topic posted
2. No flooding
3. No cursing and name calling (kultoliko, ADDict, Iglesia ni Manalo, etc)
4. No posting of any kind of advertisement/promotion
5. No debates/arguments

You can ask, suggest, answer or react to an article. Discussion or sharing of knowledge is appreciated, not to be confused with debates/arguments.