"Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo." I Tim. 6:12

May 3, 2014

Buhay pag-ibig o Diyos?

"Love is blind"

"Love conquers all"

Ano na namang kakornihan yan readme? 

Sa unang tingin kakornihan talaga ang usaping pag-ibig, pero pag naikonekta na ito sa relihiyon ay isa na itong seryosong usapin. At malamang sa malamang maraming makaka relate... :)

Ang "pagbabawal sa  mga kaanib sa INC na makipagrelasyon o mag asawa ng di INC" ay isa sa mga doktrina ng Iglesia na madalas i-criticize ng mga di kaanib. At sa totoo lang, marami ring nagkakaproblema na mga kaanib dahil dito, na nagiging dahilan upang silay matiwalag.

Bakit kaya SOBRANG MAKAPANGYARIHAN ng pag-ibig?

Nagagawa nitong maging BULAG ang sinuman. Yun bang wala na siyang pakialam sa ibang mga bagay maliban sa pagmamahal niya sa isang tao at dun nalang umiikot ang mundo niya. Hindi na niya alam yung pagkakaiba ng TAMA sa MALI.

Nagagawa din nito na pagawin sa isang tao ang mga bagay na hindi naman niya nagagawa dati. Yan yung sinabi ni Francisco Baltazar sa Florante at Laura na "Pag-ibig, 'pag na'sok sa puso nino man, hahamakin ang lahat masunod ka lamang". Yan yung gagawin mo ang lahat, kahit ano, mapa tama o mali para sa taong mahal mo.

Pero ang tanong ko, ang purpose ba ng Diyos kaya niya ginawa tayong mga tao ay para magpakasaya sa PAG-IBIG? Dun na ba natin ilalaan yung buhay natin, para sa taong "mahal" natin? Yun na ba yung point kung bakit tayo nabubuhay, para sa LOVE LIFE?

Sa totoo lang, napakadaming tao ang tinatalikuran ang Diyos para sa "PAGMAMAHAL" na yan. At yung iba nga wala na talagang pakialam sa Diyos, wala sa bokabularyo niya ang salitang "pagsamba sa Diyos" kasi nakatuon na yung buhay niya dun sa bagay na yon.

Natanong mo na ba sa sarili mo kung anong purpose kung bakit ka nabuhay?

Natanong mo ba sa sarili mo kung sapat na ba yung masaya ka, mahal mo siya at mahal ka rin niya?

Natanong mo ba sa sarili mo kung tama bang mas MANAIG ang pag-ibig mo sa "taong mahal mo" kaysa sundin ang utos ng Diyos???

Eh paano mo nga naman maitatanong sa sarili mo yan kung hindi ka naman sumasampalataya sa BIBLIYA? Mas pinaniniwalaan mo pa yung sabi sabi ng tao na kesyo "Alam mo kuntento na ko na naniniwala akong may Diyos, ang importante gumagawa ako ng mabuti" "Mas okay na yung ganito kesa naman nagsisimba nga lagi pero pagtapos nun gumagawa naman ng masama" etc etc...

Ang daming paniniwala ngayon ng tao tungkol sa RELIHIYON at DIYOS, meron silang sari sariling paniniwala, ang nakakalungkot, nabulag sila ng paniniwalang yon at di na binigyan ng pagkakataong hanapin ang katotohanan kung tama ba o mali ang ganoong mga pag iisip.


Okay lang ba makipag relasyon o magpakasal sa di ka pananampalataya?

Kaming mga Iglesia ni Cristo ay naniniwala na labag sa utos ng Diyos ang makipagrelasyon at magpakasal ang isang kaanib sa di kaanib, at ito ay mababasa sa bibliya. Sa Old testment palang iniutos na ito ng Diyos, ganun din sa New Testament, kaya hindi na bago ang aral na ito.

Hindi ito inimbento ng INC kesyo para di umano umanib yung mga di pa kaanib dahil meron silang natitipuhan at para pamparami lang daw ng myembro.

Eto, sa panahon ng bayang Israel (ang unang bayan ng Diyos) ganito ang sinasabi:


"Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh at kapag nasakop na ninyo ang pitong bansang nauna sa inyo roon---Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo---mga bansang mas malakas at mas makapangyarihan kaysa inyo, Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh at kayo'y kanyang lilipulin agad." Deu. 7:1,3-4

HUWAG DAW PAPAYAG NA MAPANGASAWA ng kanilang mga anak ang mga anak na galing sa ibang bansa, bakit daw? Sapagkay tiyak daw na ILALAYO NILA ANG KANILANG ANAK sa Diyos at pasasambahin sa mga diyus diyosan.

Nagets nyo ba yung punto?

Ang bayang Israel ang bayang PINILI ng Diyos, exclusive lang sa bayang Israel ang pangako ng Diyos. Ang mga tao kasi na wala sa bayang Israel ay sumasamba sa diyus diyusan, hindi sila kumikilala sa tunay na Diyos. Kaya hindi ipinaaasawa sa hindi nila ka-bayan ay dahil tiyak na ilalayo nila sila sa Diyos at ipapasamba sa diyus diyusan. Syempre ganun naman talaga yon, kumbaga maiimpluwensyahan ang mga pinili ng Diyos na sumamba sa ibang Diyos kasi di nila kapananampalataya yung asawa nila.

Narito, sa Old testament pa rin:


"Nalaman ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. Hindi ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?" sinabi ko sa kanila. "Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?" Neh. 13:23, 26-27

Utos pa rin ang huwag mag asawa ng dayuhan. Muli, ang bayan kasi ng Diyos ay ang bayang Israel lamang, kung mag aasawa sila sa labas ng bayang Israel, ang mga sa Diyos ay maaaring mailayo sa pagsamba sa tunay na Diyos at hindi nila yon ikapagtatamo ng kaligtasan. Kaya gusto ng Diyos kung mag aasawa sila eh dun din sa bayang Israel dahil silay mga "pinili" bilang mga anak niya.

Eh meron din bang utos sa mga Kristyano na nasusulat sa New Testament?


"Huwag na kayong makipag-isa sa mga di sumasampalataya. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? Maaari bang magkasundo si Cristo at si Belial? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di sumasampalataya? O di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templong Diyos na buhay?
Siya na rin ang maysabi, "Mananahan ako at mamumuhay sa piling nila. Ako ang magiging Diyos nila, at sila'y magiging bayan ko. Kaya't lumayo kayo sa kanila, humiwalay kayo sa kanila," sabi ng Panginoon. "Huwag kayong makisama sa anumang karumihan, at tatanggapin ko kayo. Ako ang magiging ama ninyo, at kayo'y magiging mga anak ko," sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat." II Cor. 6:14-17

Si Apostol Pablo ang may sabi niyan. HUWAG NA DAW KAYONG MAKIPAG ISA SA MGA DI SUMASAMPALATAYA. Maaari daw bang magsama ang KATUWIRAN AT KALIKUAN? ANG LIWANAG SA KADILIMAN?

Ano daw ang KAUGNAYAN NG SUMASAMPALATAYA SA DI SUMASAMPALATAYA?

Kaming mga Iglesia ni Cristo ay tinatagubilinang huwag makikipagrelasyon sa di kapapanampalataya, tama rin naman kasi sa pag aasawa na rin pupunta yon pag nagkataon. At dahil may ilang kaanib na hindi sumusunod dito kaya ayun, nakakapag asawa ng di kaanib, ang resulta tuloy ay ang pagkatiwalag. 

Kung magiging mag asawa kasi ang sumasampalataya sa di sumasampalataya, ibig sabihin nagsasama ng magkaiba ang paniniwala, paano sila magkakasundo noon? at hindi ba posible na maimpluwensyahan ng di sumasampalataya ang sumasampalataya na mag iba ng paniniwala? Nasa kaligtasan na sana nailigaw pa?

Yung maliit na bagay nga lang na napag aawayan ng mag asawa nagiging malaki, paano pa kung magkaiba kayo ng paniniwala? 

Sasabihin naman ng ilan, eh bakit may kakilala ko isang pamilya sila pero magkakaiba yung relihiyon, yung tatay muslim yung nanay katoliko, yung isang anak INC, yung isa naman Mormon pero masayang pamilya sila???

Hindi naman punto dito kung positibo man ang pagsasama nila, oo masaya nga sila pero ang tanong NASUNOD BA NILA ANG UTOS NG DIYOS? Maliwanag naman  na huwag kang mag aasawa ng di kapananampalataya pero sinuway mo, kahit pa sabihing maayos pamilya mo. Hindi ka naman sumunod sa kalooban niya, kundi SARILING KALOOBAN mo ang nasunod.


Pag-ibig o Diyos?

Ano ba ang MAS IMPORTANTE, yung "taong mahal mo" o ang Diyos?

Ano ba ang MAS IMPORTANTE, yung panandaliang kaligayahang di mo naman mababaon sa hukay o ang KALIGTASAN?

Sa buhay, merong CHOICE. Dalawa lang pagpipilian mo, ang TAMA o ang MALI. Nasa sa iyo yon kung anong pipiliin mo, at kung anong sa tingin mong MAS MAHALAGA sayo.

Ito ang sabi ng bibliya:

"Binibigyan ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan; kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos, at kung mahal ninyo siya at ginagawa ang kanyang kagustuhan, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Bibigyan niya kayo ng mahabang buhay at gagawing isang malaking bansa. Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo'y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay nang matagal." Deu. 30:15,16,19

Kapag sinunod natin ang UTOS NG DIYOS at ang kalooban niya, PAGPAPALAIN niya tayo.

Kung maaalala nyo, sinubukan ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham, gusto ng Diyos ang kaisa isa at pinakamamahal na anak ni Abraham na si Isaac bilang handog. At ng akmang sasaksakin na niya si Isaac:

"Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, "Abraham, Abraham!" "Narito po ako," sagot ni Abraham. Sinabi ng anghel, "Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.
Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ni Yahweh, "Ako'y nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan---Yahweh. Sapagkat hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos." Gen. 22:10-12, 15-18

Hindi nagdalawang isip si Abraham na saksakin ang nag iisa niyang anak. Imagine, kung ikaw eh nabuhay sa panahon ni Abraham at sayo ipinagawa ng Diyos yon, kaya mo kayang patayin ang sarili mong anak alang alang sa gusto ng Diyos? At ng napatunayan ng Diyos ang katapatan ni Abraham sa kaniya, anong nangyari?

PINAGPALA SI ABRAHAM.

Kaya kung pipiliin nating sumunod sa utos ng Diyos, kung hahayaan natin na manaig ANG DIYOS sa buhay natin kesa iba pang bagay, kahit kapalit man non eh sarili nating kaligayahan o bagay na importante satin, lahat ng yon ay may katumbas na pagpapala, lalo na ang pagtamo ng KALIGTASAN.

Sabi nga sa bibliya:


"Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama." I Juan 2:15

Kung mas pinili mo ang mga BAGAY SA SANLIBUTAN, tulad nyan, love life, eh WALA SA KANIYA ANG PAG IBIG NG AMA. Hindi dapat isakripisyo ang Diyos sa mga bagay sa sanlibutan para sa ikaliligaya mo, dahil hindi ka isinilang sa mundong ito para magpakabaliw sa pag ibig.


Sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo

Bago pa man tayo mabautismuhan ay itinuro na sa atin ang doktrinang ito, kaya imposibleng hindi natin ito alam. Bago tayo mabautismuhan siguradong naintindihan natin mabuti ang doktrinang ito, kaya nga tayo babautismuhan dahil sumasampalataya tayo sa mga aral sa Iglesia ni Cristo.

Nakakalungkot dahil maraming mga kapatid ang natitiwalag sa isyung ito ng PAG IBIG, maaaring nakikipag live in, nakikipagrelasyon o nag aasawa ng di INC, nakiki apid at iba pa. Nakakalungkot na ang pag iisip nila ay katulad din ng pag iisip ng mga taga sanlibutan tungkol sa pag aasawa, na kesyo "as long as youre happy fight for it" etc etc...

Tanong, yan bang pinaglalaban mo eh makapagliligtas sayo? Yan bang pinaglalaban mo ay ikinatutuwa ng Diyos?

Ano kaya ang pakiramdam ng magulang na sinusuway ng anak?

Ganun din ang nararamdaman ng Diyos pag sumusuway tayong mga anak niya sa kanyang mga utos. Kaya huwag tayong pa impluwensya sa mga taong di INC na may kaisipang HINDI NAMAN DAW DAPAT MAGING ISYU ANG RELIHIYON sa pakikipagrelasyon o pag aasawa.

Tulad ni papajack, kung napansin nyo ganun ang isip niya, na parang dinidisregard ang aral ng mga relihiyon patungkol dyan. Huwag tayong paimpluwensya sa mga opinyon ng mga di kaanib sa INC. Kaya ganun ang kanilang paniniwala dahil WALA SILANG ALAM SA BIBLIYA. Dahil kung alam nila yon, eh hindi nila ipagwawalang bahala ang mga utos ng Diyos.

Meron pa nga dyan, pinaghihiwalay ng mga magulang yung anak niyang may karelasyong taga sanlibutan, at yung nasa isip ng dalawang magkarelasyon? 

"Pagsubok lang satin to"

Pagsubok sa inyong dalawa? o baka hindi mo alam na Diyos ang sinusubukan mo sa ginagawa mong yan? Hindi lang pagsuway sa magulang yan, kundi pagsuway sa Diyos na makapangyarihan sa lahat at ang may gawa ng lahat ng bagay.

Kaya huwag sana nating ipagpalit ang Diyos sa mga bagay sa sanlibutan, baligtad eh, dapat matuto tayong magsakripisyo PARA SA DIYOS at hindi para sa sarili nating kapakanan at kaligayahan. Huwag nating ipagpalit ang pagka INC natin para lang sa mga bagay sa sanlibutan o sa "taong minamahal natin" na maaaring maging dahilan para tayo ay mapahamak.