"Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo." I Tim. 6:12

April 2, 2013

Ang arkitektura ng Iglesia ni Cristo

ISANG KILALANG MANUNULAT na Aleman ang minsa’y nagsabi na ang arkitektura ay namuong musika o frozen music. 

Ibig ipahiwatig ng kaniyang pangungusap na ang mga hugis, linya, laki at estilo ay nakipagdudulot ng kagandahan sa arkitektura katulad ng idinudulot ng himig, kaanyuan, takbo at damdamin ng musika.
 

Naipahahayag ng arkitektura nang higit kaysa alinmang anyo ng sining ang diwa ng isang kabihasnan. Dahil ditto, mayroong mga kilalang estilo na nakakapit sa mga tiyak na panahon tulad ng Byzantine, Gothic, Romnesque na madaling makilala kaysa mga kakaibang estilong Asyano, pagano o makabagong arkitektura.

Ang diwa at iba’t ibang simulain ng bawat panahon ay nakatatak sa kaniyang arkitektura na siyang nagbibigay ng tatak sa bawat kapanahunan, ng bakas sa kaisipan at saloobin sa pinagdaanan.


Mula sa payak na disenyo ng bahay-kubo, ang arkitekturang Pilipino ngayon ay nahaluan na ng impluwensyang kanluranin gaya ng nakikitang anyo ng malalaki at matataas na gusali o skyscrapers. May mangilan-ngilan pa ring nakikitang mga bahay-Katila o bahay na tisa ng mga nakaririwasang Pilipino noong bago magkadigma na nangungusap naman ng kaniyang sariling kapanahunan.


Dahil sa pagpasok ng iba’t ibang impluwensyang banyaga sa kaisipan at simulaing Pilipino, halos mahirap nang tukuyin kung alin o ano ang tunay na arkitekturang Pilipino.


Gayunpaman, ang kakaiba at orihinal na arkitektura ng Iglesia ni Cristo ay madaling makilala. Mula sa Aparri hanggang Jolo at hanggang sa ibayo ng dagat Pacifico, ang mga bahay-sambahan ng Iglesia ni Cristo na lalong kilala sa tawag na kapilya, ay nagbibigay ng namumukod na tatak sa tanawing pambansa. Kasinliit man ng munting kapilya o kasinlaki ng katedral, naikapit na a mga gusaling ito ang katawagang kapilya.

Ang laki ng kapilya ng alinmang local ay kadalasang batay sa dami ng kaanib nito at sa bilang ng mga oras ng pagsamba dito. Ito ang dahilan kung bakit karaniwan nan gang mga bahay-sambahan sa mga lunsod at mga kapitolyo ng mga lalawigan ay lalong malalaki kaysa doon sa mga nasa paligid ng kalunsuran.


Malaki man o maliit, naroroong palagi ang mga palatandaang anyo – ang mga tore, mga habong at iba’t ibang palamuti na gawa sa mga hugis na geometriko. Ang pagkakahawig ng harap ng mga kapilya ay madaling makilala, gayunman, ang disenyo ng isa ay hindi kailanman inuulit sa iba.


Ang malimit na paggamit ng mga tulis ng tore, tilos at ispaik ay hindi walang kabuluhan sa paningin. Bahagi ito ng disenyo hindi bilang dekorasyon lamang, kundi upang maging kongkretong inspirasyon na umaakay sa mga mata upang tumingala sa itaas, sa sangkalangitan, sa Manlalalang.


Ang payak na looban ng kapilya ay ibinigay sa diwa ng pagsamba ng Iglesia ni Cristo. Sapagkat ang pinakamahalagang bahagi ng pagsamba ay ang pangangaral ng mga salita ng Diyos, ang pinakatampok na bahagi ng kapilya ay ang tribuna. Sa likod ng tribuna ay ang hanay ng mga upuan para sa ministro at mga pangulong diakono na mangangasiwa ng pagsamba. Sa gawing likuran pa nito ay makikita ang koro na siyang nilulugaran ng mga mang-aawit.


Ang kongregasyon ay nakaupo na paharap sa tribuna at nakabukod ang hanay ng mga babae sa lalake. Sa dahilang ang kapilya ng Iglesia ni Cristo ay dakong pinagtitipunan ng mga hinirang upang makipagtipan sa Panginoon, ang pangkalahatang kaayusan nito’y rectangular at naglalaman ng mga upuang sapat para sa kongregasyon.


Walang gaanong palamuti sa mga dingding at kisame maliban sa ilang inukit, minolde at kinorteng kahoy, kongkreto o kinulayang materyales sa iba’t ibang hubog na geometriko. Maging ang mga aranya na ang laki at estilo ay batay sa laki ng kapilya ay naroroon upang magbigay ng liwanag at hindi upang maging pang-adorno lamang.


Karamihan sa mga kapilya ay may balcony upang mapaglaanan ang lumalaking kongregasyon. Binubuo ito ng mga hanay ng upuan na ang lawak ay halos sa ikaapat na bahagi ng kabuuang floor plan.


Isa pang mahalagang bahagi ng ibang kapilya ang bautisteryo. Karaniwang matatagpuan sa ilalim ng koro, magkahiwalay ang bautisteryo para sa babae at sa lalake. Ang habong sa harapan ng kapilya, bukod sa pagiging proteksyon sa init at ulan ay lumalarawan sa isang nakaunat na kamay na nag-aanyaya sa pagpasok sa kapilya.


Maraming nagbibigay ng pansin sa arkitektura ng Iglesia ni Cristo. Sinasabi ng ilan na dimumano, ito’y nagbibigay anyo sa tipikal na simbahang Gotiko. Ang sabi naman ng iba, ito raw ay mala-Baroque, samantalang ang iba naman ay nagsasabing may hawig sa moske ng Islam ang disenyo ng kapilya. Isang kritiko ang nagsabing ang paulit-ulit na paggamit ng mga tulis at tilos ay nagbibigay ng impresyon ng maraming tandang pasukdol sa langit.
Sa kaayusan at layunin, ang mga kapilya ngayon ay katulad pa rin ng disenyo ng mga naunang kapilya. Ang mga istrukturang kawayan ba binubungan ng pawid noong humigit-kumulang 1920 at ang mga gusaling kahoy noong bago magkadigma ay nagpahiwatig na pagkakakilanlan sa arkitektura ng Igleisa. 


Isinunod din sa disenyong ito ang mga kapilyang ipinatayo pagkatapos ng digmaan na yari sa kahoy at kongkreto. Ang kauna-unahang kongkretong kapilya ng Iglesia ni Cristo ay naitayo noong 1947 sa daang Washington, Sampaloc, Maynila na hanggang ngayon ay nakatayo pa sa kaniyang orihinal na pagkakayari. Ang malaking tore nito ay kawawig ng mga tore sa mga bagong bahay-sambahan.
Ang unang dekada ng pagpapatayo ng mga kapilya (1954-1964) ay nakilala sa pamamagitan ng mga malalambot at mahihinhing bagay tulad ng tinatawag na cusps, trefoils, quarterfoils at oak leaves.


Lalong inistiluhan ang mga tore noong ikalawang dekada ng pagtatayo ng kapilya (1964-1974). Ang mabilis na pagdami ng mga kaanib ay nakaimpluwensiya sa panahong ito sa pagpapatayo ng lalong malalaking bahay sambahan. Dito’y nagging malawak ang paggamit ng disenyong geometrical gaya ng diamond frets, chained rosettes at interlocking trapezoidal arches bilang palamuti.


Nagsara ang ikalawang dekada ng pagpapatayo ng Tanggapang Pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo sa Diliman, lunsod ng Quezon.


Bagamat ang gusali ay ipinatayo sa layuning pampangasiwaan, sa disenyo nito ay nababanaagan pa rin ang kayarian ng kapilya. Malaya ring ginamit ang mga arko, sa kulay na nagniningning na kaputian at nanghahalinang façade.


Pinagsanib ng ikatlong dekada ng pagtatayo ng kapilya (1974-1984) ang mga istilo ng una at ikalawang dekada sa paggamit ng mga patayong linya (vertical lines) sa interior ng mga kapilya na unti-unting humalili sa mga cusps at trefoils. Ang pagkakatayo ng Templo Central sa bakuran ng Tanggapang Pangkalahatan noong 1982-1984 ang siyang nagsara sa ikatlong dekada ng pagtatayong bahay sambahan.


Ang teknolohiya, mga materyales na ginagamit, maging ang panlasang pansining ay maaaring magbago, subalit ang pagsisikap ng Iglesia ni Cristo at ang layunin ng pagpapatayo ng mga bahay-sambahan ay magpapatuloy hanggang sa matawag ng Diyos ang kahuli-hulihan sa Kaniyang mga anak.


 Source: Pasugo March-April 1986 skyscrapercity.com 

No comments:

Post a Comment

RULES ARE STRICTLY BEING IMPLEMENTED.
COMMENTS THAT VIOLATE RULES ARE DELETED.

1. Comments should be related to the topic posted
2. No flooding
3. No cursing and name calling (kultoliko, ADDict, Iglesia ni Manalo, etc)
4. No posting of any kind of advertisement/promotion
5. No debates/arguments

You can ask, suggest, answer or react to an article. Discussion or sharing of knowledge is appreciated, not to be confused with debates/arguments.