Dahilan ko, busy sa work. Pero bukod dun, may iba pa.
LAHAT PO NG MABABASA NYO SA ARTIKULONG ITO AY AKING OPINYON LAMANG. Alam ko pong maaaring may mga kapatid o maytungkulin man, ang hindi sumang ayon sa akin, o maaaring mainis pa, pero naiintindihan ko kayo. Pero itoy matagal kong pinag isipan, at gusto ko lamang maging totoo.
Ako poy isang ordinaryong kapatid sa Iglesia, na tulad ng marami, nananatili at minamahal ang Iglesia sapagkat itoy daan sa kaligtasan. Masayang sumasamba, nakikipagkaisa sa mga aktibidad at nakakatupad ng tungkulin--- ng payapa.
"KAPAYAPAAN" - payapa ang pusot isip. Payapang nakakapaglingkod sa Diyos.
Naniniwala po ako na ito ay ang nais ng lahat sa mga kapatid.
Nagpapasakop sa Pamamahala, dapat. Nakikiisa sa Pamamahala, tama. AT naninindigan para sa Pamamahala at sa Iglesia, mismo.
Kahit pa pagbali baligtarin ng mga "fallen angels" ang mundo, ang mga TUNAY NA IGLESIA NI CRISTO, ay mananatili sa PANIG NG PAMAMAHALA. Dahil ang PAMAMAHALA ay sa Diyos.
Kung ako ay tatanungin nyo, walang duda sa aking pananampalataya. Ako ay sa Pamamahala, hindi dahil ako ay "uto uto, sunud sunuran, o minion" kung sabihin ng mga tiwalag, kundi dahil alam ko ang TOTOO. Hindi ko man alam ang BUONG KATOTOHANAN, pero alam ko ang TOTOO.
ANG TOTOO
Ang TOTOO ay sa loob ng maikling taon ng Pamamalakad ng Ka Eduardo Manalo, maraming tagumpay ang nakamit ng Iglesia: Mga naipatayong gusaling sambahan, mga nabiling properties abroad, mga proyekto sa pagpapalaganap, mga proyekto sa pagtulong sa mga tao, mga gusaling kinakailangan ng Iglesia tulad ng bagong CEM building, bagong New Era Hospital, Philippine Arena at iba pa, mga naordenang mga ministro, mga bagong nagsisipag aral sa ministerio at marami pang iba. Hindi makukwestyon ng sinuman, kahit ng iba pang mga lider ng relihiyon ang TAGUMPAY na ito sa ilalim ng pamumuno ng Ka Eduardo.
Ang TOTOO ay walang masama kung magbenta man ang Pamamahala ng mga properties ng Iglesia lalo nat kung itoy hindi rin naman napapakinabangan tulad ng walang masama sa pagbili nito. Sila ang nasa autoridad upang magdesisyon sa ikabubuti ng Iglesia. Mga matitisurin lamang ang makakapag isip na itoy isang kasalanan o itoy mali dahil sa pagpapatakbo ng isang organisasyon, may mga konsiderasyon at mahirap na desisyon na kailangang gawin.
Ang TOTOO ay karamihan sa mga akusasyon ng mga tiwalag ay pawang kasinungalingan lamang na pawang paninira lamang sa Pamamahala at sa Ka Eduardo Manalo. Bilang blogger at matagal ng boluntaryong nagtatanggol sa Iglesia, madali kong malalaman kung ang isang akusasyon ay maaaring tama o malisyoso lamang. Tulad na lamang ng diumanoy pagkaka-perahan sa Scenic, South Dakota, Fort Victoria, kahit pa ang loteng kinakamkam nila Gng. Lottie at marami pang iba, itoy mga KASINUNGALINGAN lamang. Lalo na kung nababasa ko ang katotohanan sa blog ni Ka Pristine Truth.
Ang TOTOO ay kung saka sakali man halimbawa na ang ilan sa mga akusasyon ng mga tiwalag ay tama, hindi ako kailanman papanig o magbibigay ng simpatya sa kanila. Dahil kahit gaano pa kabigat ang kanilang akusasyon, hindi ito isang malaking rason upang LABANAN ang Pamamahala lalo na ang Tagpamahalang Pangkalahatan. Kung ang magulang ay nagkamali sayo, wala tayong karapatan na labanan sila at pagsalitaan ng masasakit na salita o paninira dahil sa di maaalis na katotohanang MAGULANG PA RIN NATIN SILA. Ganun din ang sa Pamamahala, naniniwala ako na hindi ito rason upang magrebelde, kundi ayusin sa tamang paraan ng hindi sila nilalabanan.
Ang TOTOO ay mas dapat ibigin ang AMA kaysa sa magulang. Hindi ko sinasabi na huwag ibigin o igalang ang magulang, ang ibig kong sabihin ay mas HIGIT NATING IBIGIN ANG DIYOS kaysa ating magulang sapagkat yan ay nasusulat. Higit nating dapat sundin ang mga utos ng Diyos bago ang iba. Kaya sa aking opinyon, tama lang naman ang naging desisyon ng Ka Eduardo na itiwalag ang kaniyang mga kapatid kahit pa ang kaniyang sariling INA, sapagkat silay nagdulot ng pagkakabaha bahagi sa Iglesia.
NGUNIT...
Sa mga nangyayari ngayon sa Iglesia, kung saan habang tumatagal ay tila lumalala pa ang mga pangyayari, na lalong pasama ng pasama ang tingin ng marami sa Iglesia Ni Cristo. Na ang mga nangyayari ay di na mabubura pa sapagkat itoy nakatala na sa ating kasaysayan...
Isa lang po ang gusto kong sabihin at ipanawagan.
PAGKAKASUNDO
tungo sa
KAPAYAPAAN.
Naisip ko, bilang blogger, kung ako bay magpopost ng magpopost ng mga artikulo laban sa mga tiwalag kahit na itoy mga katotohanan, may maitutulong ba ito upang masolusyunan ang problema?
Sa totoo lang po, naka 5 artikulo na ata ko na hindi ko naipublished at marami pa sana kong nasa isip na gustong gawin. Sa umpisa ginaganahan ako, pagdating sa kalagitnaan, nagtataka ako bakit ganun parang hindi ko matapos? Kaya nasa draft na lang ito o dinelete ko nalang. Kasi pagkatapos ay maiisip ko, kung maipa-publish ko ba ito makakatulong ba ito para matapos na ang kasalukuyang kinakaharap na problema sa Iglesia? Kung magiging active din naman ako sa pakikipaglaban sa mga tiwalag gamit ang social media, sino naman kaya ang tatayo upang magpanawagan ng KAPAYAPAAN sa halip na digmaan?
Yung gulo sa Mindanao dahil sa mga rebelde, dati all out war ang gobyerno sa kanila. Ang tanong, nasolusyunan ba ang problema? Ngayon, sa halip na digmaan, peace process ang gustong gawin ng mga sumunod na Pangulo ng Pilipinas. Hindi man ito ang tutuldok sa problema doon ngunit tingin ko daan ito para makamit ang inaasam na kapayapaan ng mga nakatira doon.
Ang IGLESIA NI CRISTO ay isang relihiyon. Atin muling basahin ang deskripsyon:
"The Iglesia Ni Cristo (Church Of Christ) is a Christian religion whose primary purpose is to serve and worship the Almighty God based on His teachings recorded in the Bible.
Kaya po sa pagkakataong ito, ako poy tumitindig upang ipanawagan ito. Hindi dahil akoy sumusuko o dahil akoy duwag, kundi upang maging daan sa pagkakaayos at pagkakaroon ng kapayapaan.
Kung babalikan natin ang pangyayari, saan ba lahat nagsimula ito? At sino ang nagsimula nito? Naniniwala po ako na sana ay doon magsimulang magkaroon ng pagkakasundo. Sa bandang huli, kahit pa itiniwalag ang mga kapatid at ina ng Ka Eduardo, hindi maiaalis ang katotohanang silay kaniyang PAMILYA. INA. AT KAPATID.
Kahit pa sabihin natin na si Gng. Tenny ang mastermind lahat ng ito, at sila ay pagkasama sama, sa bandang huli, at kahit ano pang mangyari, naniniwala po ako di maglaon ay makakabalik pa rin sila sa Iglesia kasama na ang iba pang mga "fallen angels". At kung ganun din lang naman po ang mangyayari, sa halip na in the next 3-5 years pa, bakit hindi na lang ngayon? Madali lang sana ang laban na ito kung tutuusin kung hindi po sana kasali ang pamilya ng Tagapamahalang Pangkalahatan. Kung sila Menorca at Samson lang ang may pasimuno, kahit all out war ang maging laban. Ngunit sa pagkakataong ito, naisip ko lang po, baka mas mainam gumawa ng tulay kaysa pandigma...
Sana alisin na ni Gng. Tenny, nila G. Marc, Angel, at Gng. Lottie ang kanilang PAGMAMATAAS, kundi magpakumbaba, at lumapit sa namamahala: humingi ng tawad, magkapatawaran, magkasundo, at magkaayos. Naniniwala at sumasampalataya po ako, na kapag nangyari ito, ay sunud sunod na ang kapayapaan sa loob ng Iglesia, at pati po sa Tagapamahalang Pangkalahatan, isa po ako sa mga naniniwala at sumasampalataya sa tungkulin na ibinigay ng Ama sa kaniya, na maisaayos at masolusyunan ang mga problema sa loob ng Iglesia..
Lilinawin ko lamang po na personal kong desisyon ang sinabi ko sa artikulong ito at hindi ako nanghihikayat. Ipagpaumanhin po ninyo kung sa pagkakataong ito ay hindi na muna po ako makakapag blog o kung sa hinaharap man kung saka sakali, hindi ko po alam. Kung akoy babalik, makakabalik o hindi na.
Aantayin ko po ang panahong iyon, na walang makatututol na ang Iglesia Ni Cristo ay nasa kalagayang maluwalhati, banal, walang dungis, at walang kapintasan na ayon sa nasusulat.
Ang ating Panginoong Diyos ang bahala sa ating lahat. Manatili po ang ating tiwala at pag asa sa kanyang magagawa para sa Iglesia.
- readme